It’s Erik Santos’ Moment to Shine
Philippine Digest
Tokyo Vol XVI, Vol XVI – No. 180
January 2010
Matapos ang pagkapanalo ni Erik Santos sa singing contest na “Star in a Million”, ang kaway ng tagumpay ay naging mabait sa kanya. At dahil sa kanyang star appeal at smooth voice, siya ngayon ang itinuturing na “Prince of Pop” ng Pilipinas.
BEYOND THE HORIZON
Isang taon na naman ang mabilis na lumipas, tapos na nga ang 2009. Ngunit marami sa mga alaala ng nagdaang taon ang hindi natin malilimutan. Mga pangyayari at kaganapan na nag-iwan ng malalim na marka sa ating puso”t isipan, at nagpatibay ng ating kalooban upang harapin ang iba pang pagsubok na darating sa hinaharap.
“Bagong Taon, Bagong Simula”, madalas natin itong naririnig sa tuwing matatapos ang nakaraang taon at papasok ang panibago. Kaya naman ngayong Enero, hatid natin sa inyo ang mga kwento na tiyak na magbibigay-inspirasyon at maghahatid ng panibagong pananaw sa inyo ngayong unang buwan ng 2010.
Si Erik Santos (Cover Photo, p 1), tinaguriang “Prince of Pop” ng Pilipinas, nangarap at nagsikap at ngayon nga’y maligayang tinatamasa ang kinang ng kanyang estrelya. Kamakailan lamang ay binisita niya ang kanyang mga Pinoy fans dito sa Japan upang i-promote ang kanyang pinakabagong album na likha ng award-winning American pianist na si Jim Brickman.
It’s Erik Santos’ Moment to Shine
Matapos ang pagkapanalo ni Erik Santos sa singing contest na “Star in a Million”, ang kaway ng tagumpay ay naging mabait sa kanya. At dahil sa kanyang star appeal at smooth voice, siya ngayon ang itinuturing na “Prince of Pop” ng Pilipinas.
Sino nga ba ang hindi napahanga sa napakagandang rendisyon ni Erik sa awiting “This is the Moment” na pinasikat naman ni Martin Nievera? Ang awitin na nagpataob sa ilan pang mga hinahangaang singers ngayon tulad nina Sheryn Regis at Christian Bautista na mga naging katunggali ni Erik sa “Star in a Million” contest ng ABS-CBN. Ito ang gaging susi ni Erik para maabot ang kinang ng tagumpay na tinatamasa niya ngayon.
Si Rhoderick Ramon Santos o Erik sa kanyang mga tagahanga at kasamahan sa showbiz, ay mahilig nang umawit simula noong siya ay bata pa lamang. Ayon sa kanyang mga magulang, bago pa natutong bumasa at sumulat, ay taglay na ni Erik ang talento sa pag-awit na pinatunayan pa ng mga pagsali niya sa iba’t ibang singing contests sa murang edad. Ngunit ang talento sa pag-awit at pagiging abala sa kanyang karera ngayon ay hindi naging hadlang upang tapusin niya ang kanyang pag-aaral. Sa katunayan, siya ay magtatapos ngayong taon sa kursong B.S. Psychology sa Centro Escolar University.
Television shows, sold-out performances sa Pilipinas at ibang bansa, endrosements at multiplatinum albums, hindi na nga mapipigilan pa ang patuloy na pagsikat at tagumpay ni Erik. Hindi lamang ‘yan, karamnihan sa mga mahuhusay at nirerespetong mang-aawit sa bansa ay naka-duet na ni Erik. Kasama na sa listahan sina Lea Salonga, Khu Ledesma, Sharon Cuneta, Regine Velasquez, Pops fernandez, Zsa Zsa Padilla, Martin Nievera, Gary Valenciano at Ogie Alcasid. Isang pangarap para sa kahit na sinong baguhang singer na nabigyan katuparan para kay Erik.
“It didn’t occur to me that there would be bigger things for me after winning Star in a Million. Akala ko gagawa lang ako ng album, mag-guest sa mga T.V. shows and do concerts. Pero hindi pala ganun. Mas higit pa sa inaasahan ko. Mas malaki,” masayang pahayag ni Erik sa isang panayam.
Ang pagsikat ni Erik ay nagbigay-daan din para siya ay makatulong sa kanyang pamilya. Isa sa isang patunay ay ang naipunday niyang bahay para sa mga ito. Proud din ang mang-aawit na siya ay anak ng isang OFW.
Bukod sa mga concerts ay hiling ng mga tagahanga ng “Prince of Pop” na kung maaari ay lumabas naman siya sa mga teleserye at pelikula dahil ang kapwa niya mga chammpion singers na sina Sarah Geronimo, Sheryn Regis at Christian Bautista ay napapanood na sa mga soap operas at pelikula. Ayon kay Erik ay may mga offers naman sa kanya subalit bantulot siyang tanggapin ito dahil wala naman daw siyang formal training sa acting kung kaya’t mas mabuting ipaubaya niya ito sa mga talagang artista. Subalit kung aarte man daw siya ay mas gugustuhin niya ang light acting at hindi heavy drama.
Dala-dala ni Erik ang kanyang galing at talento sa pag-awit mula sa Pilipinas papunta sa Amerika, Middle East, Australia at Japan. Sa Amerika ay makailang beses nang nagpabalik-balik ang magaling na singer upang siya ay magtanghal at mag-promote ng kanyang mga albums na lubhang kinagigiliwan ng kanyang mga Pinoy at maging dayuhan na tagahanga.
Sa puntong ito ng karera ni Erik ay masasabi niyang wala na siyang mahihiling pa subalit ang tawag ng tagumpay at oportunidad ay patuloy na kumakatok sa pinto. Kamakailan lamang ay masaya niyang tinanggap ang balitang siya ang magre-record ng “Jim Brickman Songbook”, isang koleksiyon ng mga awiting pinasikat ng tanyag na singer-songwriter at pianist na si Jim Brickman. Tuwang tuwa si Erik dahil ito nga naman ay once ina lifetime chance na hind niya pwedeng palampasin. Ang album na ito ay binubuo ng sampung kanta na sinulat at pinasikat ng award-winning pianist. Tatlo rin ay mga bagong komposisyon tulad ng “It’s A Sin To Break A Heart”, “If I Just Believe”, “My Love Is Here” at ang mga timeless hits na “Heart”, “Valentine”, “Where’s the Good in Goodbye”, “Love of My Life”, “Destiny”, “The Gift” at “Your Love”.
Sa ngayon, ang album na ito ay ini-release at ipino-promote na ito ni Erik sa iba’t ibang bansa sa Asya tulad ng Singapore, Malaysia, Indonesia, Taiwan, Hong Kong at kamakailan lamang ay dito sa Japan.
Ang bawat album na ginagawa ni Erik ay binibigyan niya ng kakaibang touch kung saan makikita ang unti-unti niyang pag-mature at pa-evolve bilang isang mahusay na mang-aawit.
Para kay Erik, hindi magiging mahirap para sa isang talento ang manatili sa industriya kung ipapakita niya ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa kanyang piniling propesyon.
Si Erik ay nasa management ng Backroom Inc. ni Boy Abunda at nananatiling top-selling recording artist ng Star Records. Bukod sa mga concerts at shows ay regular din siyang mapapanood sa programang ASAP ng Kapamilya network tuwing Linggo.