Erik Santos says he talked to Boy Abunda before leaving Backroom Inc.
Pep.ph
Maricris V. Nicasio
Saturday, September 17, 2011 – 02:39 PM
Nakaalis na ang maraming reporter nang ma-corner ng ilang entertainment press kagabi ang Prince of Pop na si Erik Santos pagkatapos ng kanyang album launching na Awit Para Sa ‘Yo ng Star Records, na ginanap sa Don Henrico’s, Tomas Morato, Quezon City.
Inilunsad ni Erik ang Awit Para Sa ‘Yo album na kinapapalooban ng 14 tracks. Isa sa mga tracks ay ang favorite ng kanyang dating manager na si Boy Abunda ng Backroom Inc.
Dinedicate ni Erik ang kantang “Muling Buksan Ang Puso” kay Boy.
Bakit ito ang dine-dedicate niya kay Boy?
“May dedication ako riyan sa inlay sa bawat kanta. Maganda yung kanta and alam ko kasing favorite niya ‘yon e and magiging theme song ‘yan ng isang malaking-malaking teleserye sa ABS-CBN — yung Alta starring Gretchen Barretto.
“Na-excite nga siya noong nalaman n’yang ako ang kakanta ng theme song. Kasama pa kasi noon si Tito Boy sa pagbuo ng album na ‘yan dahil March or April pa namin ginawa ‘yan.”
Seven, going on eight years na si Erik sa Backroom Inc., kaya marami ang nagtataka kung bakit biglang umalis ito sa poder na pinamamahalaan ni Boy Abunda.
“Wala namang ganoon nang iniwan ko si Tito Boy. Actually, nag-start ako sa kanila mga 2003. After manalo ako sa Star In A Million, magkakilala na kami ni Tito Boy. Magkaibigan na po kami bago pa ako sumali roon.
“Actually, bago ako napunta sa Backroom, nag-audition pa ako sa kotse ni Tito Boy. And sabi niya, ‘Bago natin subukan ang recording, why don’t you try Star In A Million? Sila talaga yung nag-convince sa akin na sumali roon.”
Bakit niya naisipang iwan ang Backroom Inc.?
“Ganito ‘yan, maraming changes, alam na natin ‘yan. Kumbaga, hindi naman ako yung umalis, hindi naman ganoon.
“Kumbaga, medyo mutual understanding. Mukha namang naging okey ang pag-uusap namin. Medyo mahirap lang sa part ko kasi si Tito Boy hindi lang manager ang turing ko sa kanya, Tatay ko rin ‘yan, kaibigan.
“I mean, pati personal kong buhay isine-share ko kay Tito Boy… Pag may problema ako, tinatawagan ko ‘yan. Hindi ganoon kadali na iwan siya,” paliwanag ni Erik.
Bakit siya umalis gayong hindi naman mawawala ang Backroom Inc.? Si Boy Abunda lang ang mawawala sa Backroom dahil aalagaan niya ang kanyang inang may sakit na Alzheimers.
“Alam niya na aalis ako ng Backroom. Mali naman po yung lumalabas na hindi niya alam na aalis ako ng Backroom. Nagkaroon po kami ng pag-uusap. Heart to heart talk po, ako with the staff and ako with Tito Boy.
“Actually sa phone, nagka-usap kami. Tinawagan ako ni Tito Boy.”
Ang pag-alis ba niya ay dahil sa desisyon ni Boy na iwan ang pamamahala ng Backroom sa mga tauhan niya?
“Dahil po roon, kasi po, nag-usap-usap po naman kami, kinausap din po pati yung [ibang] mga artists, and for now hindi na talaga mag-ma-manage.’
Noong sinabing may changes sa Backroom, sinabi ba nila na ‘Erik, will you stay?’ o pinaalis ka? Binigyan ka ba ng option?
“‘Yon na ‘yon. Si Tito Boy ang tanungin n’yo.”
May contract pa ba siya sa Backroom?
“Actually, sa Backroom kasi wala kaming kontrata e. Hindi kasi naniniwala si Tito Boy sa ganoon. Very relational [sic] kasi si Tito Boy na tao. Kumbaga, basis of trust and friendship, ganoon kami roon e.”
Bakas man ang lungkot ni Erik sa pagsagot sa mga tanong namin, napilit pa rin namin siyang magsalita. Ayon kay Erik, nagkausap sila ni Boy Abunda bago siya umalis ng Backroom.
Nagka-usap daw sila last month. Pero may lumabas na interbyu kay Boy sa isang tabloid (Sept. 12) na nagpapahayag ng sama ng loob niya kay Erik dahil hindi umano ito nagpaalam at hindi sila nagka-usap bago ito umalis ng kanyang management.
“Nag-usap kami… nag-usap kami. Nag-usap kami…” paulit-ulit na sinabi ni Erik ukol sa usaping ito.
“Ganito na lang, ayokong magpaka-showbiz, hindi ko sasagutin ngayon yung tanong n’yo na kung ako ba ang umalis? Hindi ko kayang sagutin, I’m sorry. Pero kung nagtatampo si Tito Boy…
“Alam mo sa sobrang respeto ko sa manager ko at sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, hindi puwedeng hindi kami mag-usap before ako umalis. Hindi, hindi puwedeng mangyari ‘yon. Nag-usap kami.”
Sinabi pa ni Erik na ang pag-uusap nila ni Boy ay tungkol sa mga changes na magaganap sa Backroom Inc. Maaaring hindi naging malinaw sa TV host na iiwan na nga ni Erik ang Backroom.
“Actually, ang pag-uusap namin more on changes sa Backroom, mas yun ang pinag-usapan namin e. Yung sa pag-alis ko, malinaw, malinaw din,” ani Erik.
Iginiit din niya na alam niyang sumama ang loob sa kanya ng dating manager.
“Oo, aware ako roon. Gusto kong iparating sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Kung gaano ko siya nire-respeto bilang tao, bilang kaibigan at bilang tatay ko sa showbiz kasi iba na rin yung pinagsamahan namin sa showbiz.”
Hindi pa muling nakakausap ni Erik si Boy simula nang mag-usap sila sa telepono last month.
“Ang hirap kasi, siyempre hindi mo naman matitiis e. Tatay mo yun e. Yung sinabi ko na nag-usap naman kami. Deep inside, alam ko namang masama pa rin ang loob niya bilang parang magulang. Malalim and masakit din for me… iba yung naging samahan namin. Masakit for both of us.”
Kung kinausap siya ni Boy Abunda bago siya nagdesisyong umalis ng Backroom, posible bang napigilan ang pag-alis niya?
“Ang hirap sagutin. Ang hirap sagutin, e. Kasi baka mamaya… hirap sagutin. Sorry po talaga… ayoko namang maging showbiz ang sagot e. Gusto ko maging honest.”
Sa pag-alis ni Erik sa Backroom, sa Star Magic ng ABS-CBN na pinamamahalaan ni Mr. M (Johnny Manahan) siya lumipat at sa Cornerstone.
Bagamat walang expectation si Erik sa Star Magic at Cornerstone Talent Management Center, ikinatuwa naman niya ang pag-welcome sa kanya last Sept. 3.
“Pinili ko na magpa-handle sa Star Magic, kasi hindi ako makaisip ng makakapantay doon sa excellent way that Backroom managed me.
“Institusyon na ‘yan, isa ‘yan sa pinakamabigat na management.
“And sa star Magic, si Mr. M naman kumbaga, mag-eight years na ako sa ASAP and siya yung director namin sa mahabang panahon so hindi naman po siguro ganoon magiging kahirap yung adjustment. Wala rin akong contract sa Cornerstone at sa Star Magic for now. Wala pa.”