Erik Santos on cloud nine after singing at Papal Holy Mass: “Parang may blessed Holy Spirit na humaplos sa puso ko.”
Pep.ph
by Rey Pumaloy posted on January 19, 2015
Sobrang nabiyayaan daw ang singer na si Erik Santos dahil sa pagkakataong kumanta sa Holy Mass ni Pope Francis para sa milyun-milyong Pinoy sa Quirino Grandstand, sa Luneta, Manila, noong Linggo, January 18.
Si Erik ang umawit ng Responsorial Psalm sa huling misa ng Santo Papa sa bansa.
Saad niya, “Sobra akong blessed, ramdam ko talaga yun.
“God’s favor sa akin yung nangyari.
“Nakita ko nang malapitan si Pope, iba yung feeling, ang holy-holy talaga niya.
“Hindi ko ma-explain yung nararamdaman ko at that time, overwhelming talaga.
“And hanggang ngayon, nakalutang pa rin ako sa kaligayahan.
“Hindi ko talaga ma-imagine na ako yung napili para kumanta sa isang part ng misa.”
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Erik sa pamamagitan ng telepono ngayong araw, January 19, matapos ang opening number niya sa It’s Showtime.
BIGGEST EVER. Lahad pa ng ASAP mainstay, “Biggest crowd ever na nakantahan ko sa buong singing career ko.
“Iba yung kaba, nanginginig yung buong katawan ko.
“Kasi bukod sa pressure na Holy Mass, maraming nakikinig, iniisip ko, baka makalimutan ko yung lyrics.
“Inuubo kasi ako that time, yun din ang iniisip ko na baka maubo ako sa gitna ng kanta ko or baka may bumara na plema.
“’Tapos ang lamig-lamig pa ng panahon kasi nag-uulan, talagang kabado ako.”
Hindi raw napigilan ni Erik ang maging emosyunal sa kanyang karanasan noong mga sandaling nasa grandstand siya.
“Umiyak ako, naiyak ako nung makita ko siya [Pope Francis].
“Parang may blessed Holy Spirit na humaplos sa puso ko.
“Actually, naiiyak na ako nung bago pa ako kumanta.
“Naiiyak na rin ako habang kumakanta, pero pinigil ko para lang magawa ko nang tama yung pagkanta ko.”
CHORIST. Kakaibang Erik Santos nga ang napanood at narinig ng mga tao sa misa na malayo sa pop singer na natutunghayan ng fans niya.
Pero kuwento niya, “Laking choir ako, laki ako sa Holy Catholic Church sa Malabon.
“Kahit paano, alam ko na ang tamang pagkanta sa misa.
“Pero ang hirap lang na kantahin yung salmo [psalm].
“Kasi hindi lang siya kanta, para siyang chant, ilalagay yung letra sa chant.
“Kailangang tamang-tama lang at balanse ang tono at bitaw ng lyrics.”
Isang beses lang daw siyang nag-rehearse kasama ang buong ensemble ng Philharmonic Orchestra at ng chorale.
“Pero lagi ko siyang pinakikinggan, pinag-aaralan talaga,” sabi niya.
BEING CHRISTIAN. Ang dalawa niyang auntie ang nakasama ni Erik sa pagpunta niya sa misa.
Dapat daw sana ay isasama ng Kapamilya singer ang kanyang ina, pero. “Masakit kasi yung tuhod ng nanay ko, ‘di ba?
“Nag-uulan, malamig pa… baka hindi niya makayanan yung susuungin niya dun.”
Ano ang naging dasal niya sa misang iyon?
Sabi ni Erik, “Siyempre, yung family ko, sa lahat.
“I feel blessed talaga. Sobrang blessed kasi nakakanta ako sa ganung kaimportanteng religious gathering, ‘di ba?
Born-Again Christian si Erik, pero hindi pa siya baptized kaya masuwerte nga siya dahil napili siyang kumanta sa Papal mass.